Anong kabutihan ang maidudulot ng pagkakaroon ng isang Bangsamoro sa Mindanao? 
 


Comments

10/24/2012 1:01pm

Mataas ang pag-asa ng kapayapaan sa Mindanao matapos ang lagdaang naganap sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at MILF para sa Bangsamoro Political Entity na papalit sa Autonomous Region of Muslim Mindanao. Ang nasabing kasunduan ay sinaksihan ng mga bigating personalidad gaya ng Prime Minister ng Malaysia at umani ng ibat-ibang papuri mula sa loob at labas ng bansa. Ang paglagda sa kasuduan ay umpisa pa lamang ng matagal ng pinapangarap na kapayapaan sa Mindanao. Ngunit anu-ano nga ba ang implikasyon ng nasabing kasunduan?

Likas sa mga Pilipino ang umasa ng magandang kinabukasan. Nang magkaroon ng kasunduan ang MNLF at gobyerno ng Pilipinas ay inakala ng marami na ganap ng makakamit ang kapayapaan sa Mindanao pero taliwas sa inaasahan ang nangyari. Mula sa MNLF ay nabuo ulit ang MILF at libong buhay din ang nakitil. Ang Autonomous Region of Muslim Mindanao ay hindi naging daan upang mabago ang kalagayan sa Mindanao. Sa halip ay nagamit pa ang posisyong iyon upang makapaghasik ng karahasan ang mga namumuno. Habang ang mga ordinaryong Muslim ay patuloy na dumaranas ng kahirapan ay nagpasasa naman sa kapangyarihan ang kanilang mga pinuno. Hindi dapat na umasa ng lubos na kaginhawahan ang mga kababayan nating Muslim sa kasunduang naganap. Magkaroon man ng kapayapaan ay hindi nito malulutas ang kahirapan sa naturang rehiyon. Maging sa mga mapayapang bansa ay naghihirap ang mga tao. Hindi dapat iwagayway ng pamahalaan na parang nagwagi na ang bansa. Ang totoo ay nagsisimula pa lang ang proseso. Dadaan pa sa maraming pagsubok at masusubukan ang katatagan upang ganap na makamit ang kapayapaan. Marami ang magandang balitang nagsisipaglabasan sa mga pahayagan. Ang totoo nang maganap ang EDSA I ay inakala ng lahat na tapos na ang paghihirap ng mga Pilipino. Sa halip ay naging mas masaklap ang kalagayan ng bansa at hindi pinanagot ang mga may-sala. Patuloy pa rin sa pamamayagpag ang mga noon pa man ay nasa kapangyarihan. Kung papanong naging sakim sa kapangyarihan ang dating pangulong Marcos ay nahigitan na nila ito.

Ang kasunduan ng Gobyerno ng Pilipinas at MILF ay isang anino pa lamang ng kapayapaan. Marami pa ang mga agam-agam. Ano naman kung magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao? Ang mga mapayapang lugar ba sa Pilipinas gaya ng Luzon at Visayas ay walang naghihirap? Kung totoo man na magiging daan ng pag-unlad sa Mindanao ang kapayapaan ay di sana maunlad na ang Luzon at Visayas. Hanggat may mga sakim sa kapangyarihan na nasa pamahalaan ay mananatili ang kahirapan at sigalot. Hindi bat ang rebelyon ay nag-ugat sa masamang pamamalakad ng pamahalaan?

Reply



Leave a Reply